Mahigpit na binalaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga may-ari ng punerarya at mga establisyimento sa lungsod, pati na rin ang kapulisan ukol sa pag-iinuman sa mga pampublikong lugar sa lungsod.

Inatasan ng alkalde sina Bureau of Permits Director Levi Facundo at Manila Police District Deputy District Director Col. Narciso Domingo na mag-ikot upang hulihin ang mga establisyimentong hindi sumusunod sa Ordinance no. 5555.

“Lahat ng punenaryang nagpapa-inom we will revoke their permit, that is a blatant violation of Ordinance No. 5555. Walang exception na kapag may patay, pwedeng uminom, walang exception na kapag may birthday, pwedeng uminom,” aniya.

Alinsunod sa nasabing ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal sa Lungsod ng Maynila ang pag-iinuman sa mga establisyimento na hindi kabilang sa mga restaurant, panciteria, carinderia, hotel o bar, gayundin sa kalsada o eskinita.

Kasabay nito, binalaan niya ang mga namumuno ng 13 na istasyon sa lungsod na kung mayroong lalabag sa Ordinance no. 5555 sa kanilang nasasakupan ay agad silang sisibakin sa kanilang tanggapan.

“Kapag ako umikot ng madaling araw at ako mismo nakahuli at may violation — one-strike policy, tatanggalin natin ang Precint Commander, PCP o Outpost Commander. You will be out of Manila, you have no business in Manila,” babala ng alkalde.

“Neglect to me is not petty. The job of the uniform personnel of the Manila Police District is to implement ordinances,” ani Domagoso.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga residente sa patuloy na banta ng COVID-19 at sa mataas na posibilidad ng paglaganap nito tuwing mayroong pagsasalo.

Sa kasalukyan, mayroong 417 active cases ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila.